
Nakakatuwa kaninang umaga. Nagbidahan kaming mag-anak tungkol sa mga nakakatuwa at nakainis na mga tagpo na nagaganap sa aming munting sari-sari store.
Masaya sa tindahan namin at eto ang mga patunay kung bakit:
- Saan ka nakakita ng taong naghahanap ng asukal, kape, paminta, asin, suka, toyo at patis, gayong ilang hakbang na lamang ay palengke na.
- Meron ding mga taong naghahanap ng tempra, dolfenal, decolgen, aspilet, biogesic, neozep, gardan, salonpas, colantro, mertayoleyt at agua oxenada gayong ang tindahan namin ay di naman botika...yung katapat ng bahay namin, yun ang botika!
- May mga taong naghahanap ng "cocomban", "bagulgang", "head ang shoulders", "juicy fruwit", "dabolment", at envelope na ang tatak ay "via air mail"
- May mga coƱotic at pasosyal effect na mamimili:
(a) Meron kayong mosquito killer? (lay man's term: katol)
(b) Miss, have kayo ng Marlboro Lights, the one in Gold? (yeah, right!)
(c) Meron kayong crape paper? (crepe paper, yung ginagamit sa art project)
- Meron ding mga medyo "tanga" na mamimili:
Ale : Manang, pabili po ng dyaryo...bago ho ba ito?
Syempre, saan ka naman nakakita ng lumang dyaryo na tinitinda, di ba?
Dahil dito, medyo nainis ang aking ina kaya sinagot nya ng...
Nanay Ko: Ay, luma... (tonong sarkastiko)
Ale : Ah... cge po, salamat. Saan ho ba merong nagtitinda ng dyaryo na bago?
...ay, patulan ba ang joke time ni mother?
- At mga pilosopong mamimili:
Mama : Manong, pabili po ng Pop Cola, maliit.
Tatay Ko: Ilan?
Mama : Isa lang po. Magkano isa?
Tatay Ko: 7.00
Mama : Bakit ho sabi sa TV, sais lang?
Tatay Ko: Eh, di sa TV ka bumili!
...oo nga naman!
- Meron ding question and answer portion:
Mamimili : Pabili ng sigarilyo?
Jhie : Anong sigarilyo?
Mamimili : Winston
Jhie : Red o Lights
Mamimili : Red
Jhie : Ilan?
Mamimili : Magkano isa?
Jhie : 1.50
Mamimili : Magkano 1 kaha
Jhie : 28.00
Mamimili : Cge, 4 na piraso lang
...ang ganda, di ba? Daig pa ang interrogation sa NBI!
- At dahil nagtitinda kami ng dyaryo at yung kodigo na para sa karera sa Sta. Ana, kailangang alam namin ang mga sumusunod dahil baka may magtanong ng:
- dyaryo na may ingles o kaya tagalog na editorial
- dyaryo na may horoscope
- dyaryo na may kwento tungkol sa sexual experiences
- dyaryo na may mga numerong lumabas sa lotto
- ang halaga ng mapapanalunan sa lotto
- masuwerteng kabayo na dapat tayaan sa karera
- araw at oras ng karera
Masaya magkaroon ng tindahan...kaya lang nitong mga nakaraang araw, ayokong magtinda...
sa sobrang bilis kasi tumaas ng mga presyo ng mga bilihin, di ko na alam kung ano ang
presyo ng mga paninda namin...hay!
Saturday, November 19, 2005
Kuwentong Sari-Sari
Posted by purple haze at 12:48 AM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment